b:eval

Sabado, Setyembre 12, 2015

Tugon ng mga Kabataan sa mga Isyu ng Lipunan

Tugon ng mga Kabataan sa mga Isyu ng Lipunan

By: Michaela E. Macan


Ito'y isang talumpating aking inihahandog  para sa mga Kabataang Pilipino.

Bago ko simulan ang aking talumpati, tatanungin ko muna kayo. Kagaya ko bilang isang kabataan, may kamalayan ba kayo sa mga nangyayari sa ating lipunan? Paano nga ba natin ito matutugunan at mabibigyan ng solusyon?

Sa panahon ngayon, marami ang nagsasabi sakin na kung hindi ka marunong sumabay , maiiwan ka talaga. Ngunit ang karamihan sa atin ngayon ay parang napag-iwanan na ng panahon. Marami na sa ating mga kababayan ang nalugmok sa kahirapan. Kahit anong sikap nilang umahon ay hinihila pa rin sila pababa dahil sa pagiging makasarili ng bawat isa sa atin.

"Ang buhay ay kakambal ng paghihirap" ika nga ni Buddha. Simula pa noong tayo ay sanggol, ang kahirapan ay nandyan na. Kahit iwasan natin ito, kahit magtago pa tayo saan mang sulok ng mundo. Hindi parin natin ito magagawang iwasan dahil ang kahirapan ay parte na ng buhay ng tao.

Imbes na magalit tayo dahil sa naging ganito ang katayuan natin sa buhay, dapat nating isipin at isapuso ang mga magagandang katangian na ipinagkaloob ng ating Panginoon. Ang mga biyayang ito ay may kapalit na responsibilidad upang ito'y gamitin sa tamang paraan upang mas mapaunlad pa ang ating mga sarili.

 Ngunit taliwas ang tugon natin dito. Masakit isipin na dahil sa kahirapan maraming tao ang na udyok na gumawa ng mga masasamang bagay para mabuhay. Ang katotohanang ito na aking nasaksihan tungkol sa kahirapan na kinakaharap ng ating lipunan ay taliwas sa nakikita ko sa telebisyon. Kasi sa Tv, napapansin kong ang mga tao ay puro sisi sa pamahalaan sapagkat para sa kanila ay napapabayaan na sila nito. Wala namang masama ang pagiging dukha, kung tayo ang magsisikap lamang na malampasan ang problemang ito. Ito ay isang bagay na hindi nararapat isisi kahit nino man. Dahil tayo mismo ang may hawak ng ating kapalaran. Ito ay maaring sanhi ng kawalan ng iyong pagsisikap, kawalan ng determinasyong mangarap at iba pang mga dahilan ng iyong paghihirap. Bilang isang taong may kakayahang magdesisyon at mangatwiran para sa sarili, nararapat lang na tayo ay maging responsable at huwag umasa at maging reklamador sa pamahalaan lalo pa't mahirap ang kanilang tungkulin sa ating lipunan. Mga kaibigan, Sariling sikap po ang solusyon sa kahirapan.

Kayo namang mga nakaupo sa pamahalaan at sa mga nakakataas, huwag po nating abusuhin ang kapangyarihan na hawak natin. Kaya nga pinili kayo ng sambayanan upang maglingkod sa kanila ng tapat at para maka tulong sa kanila hindi para kubitin ang pondo ng bayan at igasto para sa sariling kapakanan. Ang mga taong naghihikahos at naghihirap sa buhay ay mas lalong naghirap dahil sa mga kalokohan na inyong ginagawa. Sana'y inyong mapagtanto ang inyong mga nagawa para sa ikagaganda at ikalalago ng ating bansa.

Ako ay lubos na naghahangad ng pagbabago para sa ating lipunan. Magtulungan tayong lahat upang masugpo ang kahirapan. Simulan natin ang pagbabago sa ating sarili na gusto nating makita sa mundo. Sapagkat ang kahirapan ay kakabit na ng ating pagkasilang, nararapat na lamang na tayo mismo ang bumago nito at hindi lamang umasa sa pamahalaan. Dahil kung nakaya ng ibang bansa na pigilan ang kahirapan sa paglaganap, ibig sabihin makakaya rin natin kung ang bawat isa sa atin ay may pakialam sa mga pangyayari. Ako bilang isang tipikal na kabataan ay nais na maging huwaran ng lahat sa pamamagitan  ng pag-iisip at pagkilos ng mabuti ng may katwiran. Mag-aral ng mabuti para may sapat na kaalaman para sa kinabukasan ng ating bayan. Balang araw, tayo ay magiging bahagi ng hinaharap, magsikap tayo habang hindi pa huli ang lahat. Kung may magagawa ka simulan mo na. Huwag matakot harapin ang hamon sa buhay dahil ang kahirapan ay di mawawakasan, kung mismo tayo ay hindi marunong gumawa ng paraan.

Kaya para sa mga kabataang pinoy, huwag tayong magpabulagbulagan sa mga nagaganap dahil tayo ang  pag-asa ng hinaharap.